1897 Mayo 1
Mahal kong Oryang,
Mali ka. Hindi kita nakasalubong upang sa dulo ng kalsada, ako ay liliko sa kanan at ikaw sa kaliwa. Sapagkat saan man tayo dalhin ng ating pakikibaka, ikaw lang ang aking itatangi at makailang ulit na ihaharap sa pulang bandila. Hindi tayo nagpalitan ng mga kwento upang sa pinakahuling tuldok ng pangungusap, ang karugtong ay alingawngaw ng katahimikan. Walang pagod kitang aawitan ng imnong pambayan, Oryang. Hindi kailanman ako mauubusan ng salita upang maialay sa iyo bilang mga tula. Maging ang bulong at buntung-hininga’y magpapahayag ng pagsinta sa tulad mong umiibig din sa bansa. Hindi tayo sabay na tumawa, nagkatinginan, at tumawa pa nang mas malakas, upang sa paghupa ng halakhak ay may butil ng luha na mamimintana sa ating mga mata. Loobin man ng Maykapal na pansamantala tayong magkawalay, tandaan mong ang halakhak at sigaw ng ating mga kasamahan ay sa akin rin. Hindi ka dapat masabik sa akin sapagkat ako’y mananatili sa iyong piling. Hindi kita niyakap nang ilang ulit upang sa pagkalas ng mga braso ko sayo ay maramdaman mong iniiwan kita. Habambuhay akong magiging tapat sa ating panata, Oryang. Kapara ng binitawan kong sumpa sa ngalan ng bayan, tayo’y mananatiling katipun, kawal, at bayani ng ating pagmamahalan. Hindi tayo bumuo ng mga alaala sa umaga, tanghali at gabi upang sa muli mong paggising ay maisip mong hindi tayo nagkasama sa pakikidigma. Hindi ko man hawak ang bukas, nais kong tanganan mo ang aking pangako na ilang ulit kong pipiliing mabuhay at pumanaw upang patunayan sa iyong mali ka. At kung magkataong ako’y paharapin sa ating anak na si Andres, buo ang loob kong haharap sa kanya at sasabihin ko sa kanyang mali ka. Hindi ako bumati sa simula upang sa huli ay magpaalam.
Ikaw ang aking bayan,
Andres
No comments:
Post a Comment